Sunday, April 11

para kay R

Huwag mong itanong kung gaano kita kamahal.
Hindi natitimbang ang pagmamahal ko
sa kung ilang kilo sa kung ilang piso,
hindi nailululan sa magarang kotse
o naisisilid sa makapal na bankbook,
hindi naoorasan sa ilang minuto ng kaligayahan
o sa maraming gabi ng pananabik,
hindi nasusukat sa milya-milyang distansya
ni sa kalawakan ng langit
ni sa ilalim ng dagat.

Ang pag-ibig ko'y namamahay, lumilipad,
lumalamig sa alinlangan,
umiinit sa alaala't pagkamaalalahanin,
naninigas sa boladas,
nagbabaga sa haplos at halik.
Ang pagmamahal ko ay
nakukumutan ng mga talulot ng rosas
at ng hamog ng madaling-araw,
na maaarok mo at maaangkin
kung tunay at wagas ang damdamin mo sa akin
at hindi ko na itatanong kung gaano mo ako kagusto.


---Gaano Kita Kamahal ni Marra PL. Lanot


0 shout-outs: