Monday, October 25

Agosto ay Buwan ng Wika. Now Na. (Lourd de Veyra, spot.ph)



Tol, nakalimutan mo na siguro. Baka kasi sobrang busy ka sa kakalaro ng Plants Vs. Zombies o kung ano man ang uso ngayon sa Facebook, nalimutan mo na ata--ang Agosto ay Buwan ng Wika. 

Siguro para sa marami sa 'tin, ang ibig sabihin ng Buwan ng Wika ay ang mga walang kamatayang pagsayaw ng tinikling at recitation ng Florante at Laura habang may dahon ng laurel ka sa tenga. Medyo matagal na akong nawala sa eskuwela kaya hindi ko alam ang mga gimik ngayon pag sine-celebrate ito (kung ipinagdiriwang pa rin nga). Pero ewan ko lang: parang wala pa rin atang pinagbago. Wala ring epekto. Lalo na sa panahon ng jejemon (Aware ako na may bagong na namang usong "bekimon" pero busy ako eh).

Buwan ng Wika ngayon kaya 'namputa, wala munang mga nakakairitang hirit diyan sa baba gaya ng "Oh Lourd, why is it in Tagalog?" Basta huling pagkakaalam ko, pag kinurot mo 'ko, "Aray ko, punyeta ka!" pa rin ang sasabihin ko at hindi "ouch." Sabi ni Rizal, ang hindi daw magmahal sa sariling wika ay daig pa ang malansang isda (or something to that effect). Ah, okey. Kaya pala sinulat niya ang Noli at Fili sa Spanish. Hijo de, pare.

Teka lang ha: hindi ako eksperto sa Filipino. Sigurado akong marami rin akong sabit dito sa mga sasabihin ko pero  peace na lang tayo, 'tol. Para sa bayan na lang at ganap na demokrasya. Actually, conio talaga ako, tol. Jok lang (Kitang-kita namang kutis-bayag ako). Kumonsulta siyempre ako sa mga idol, lalong-lalo na kayVirgilio Almario, National Artist for Literature 2003, isang "aktibista para sa Wikang Pambansa" ayon sa blurb ng kanyang klasik na Filipino Para sa Mga Filipino (subtitled: "Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa"). Matinding makata at kritiko si Almario a.k.a Rio Alma, at nung minsang naging fellow ako sa UP Writers' Workshop sa Baguio, ang komento niya lang sa mga tula ko sa Ingles ay: "Magsulat ka na lang kasi sa Filipino."

Kaya--gamit bilang anting-anting ang aklat ni Almario--eto ang ilan sa mga isyung bumabagabag sa mga dila at keyboard ng mga taga-media. 


KAGANAPAN - Kasalanan daw 'to ni Joe Taruc at ng mga taga-DZRH. Ginagamit nila ang "kaganapan" kung ang ibig sabihin ay "pangyayari" o kaya, nagaganap. I.e. "At 'yan ang mga kaganapan dito sa drug bust sa Republiq." "Balikan po natin ang mga kaganapan diyan sa hearing ng hiwalayang Kris at James." Ang tamang kahulugan ng kaganapan ay fullness, fulfillment, o pagkakumpleto. "Kaganapan ng kanyang pagkababae ang pagbubuntis."

BUMULUSOK - Akala ng iba, kaparehas ng "kumakaripas" at "humaharurot." Siguro dahil sa tunog. Laging naririnig: "Lalong bumulusok ang career ni Kris Aquino" kung tinutukoy nila ay ang pag-usbong ng career ng bida ng Vizconde Massacre at Pido Dida 1 and 2. Pabagsak na aksyon ang ipinapahayag ng "bulusok" at kadalasang pinantutukoy sa bulalakaw. Eh hindi naman ganun ang kaso, di ba? Mula sa Carlo Caparas films hanggang sa pag-quote ng "It Must Have Been Love But It's Over Now" sa The Buzz, tuluyan pa ring namamayagpag ang career ng bunsong kapatid ni P-Noy (Haaay). Marami pang ganitong salita. Pero busy ako. 

NG VS. NANG - Kala ko dati ang nalilito lang dito mga grade schoolers at lahat ng mga estudyante sa mga coniotic na eskwelahan, pero nagkamali ako: hanggang sa mga newsroom may sumasabit pa rin dito. Sa TV, walang pakialam ang mga tamad kung "ng" o "nang" dahil pareho lang naman ang tunog. Karamihan din sa kanila, wala ring pakialam kasi nga "Tagalog lang naman 'yan eh." Mas nahihiya pa sila kung pumapalya sila sa diction sa Ingles, sa short 'e' vs. long 'e,' pag ang pronounciation nila sa "bitter " ay "beee-ter" imbes na "bi-tur." Sila rin yung tipong kinokorek agad ang sarili pag ang "winner" ay nabanggit nilang "weee-ner" (parang sausage lang, no). Mga hayup kayo - galangin niyo naman nang konti ang wikang bumubuhay sa inyo at nakakabili pa kayo ng iPad at mga libro ni Stephenie Meyer.

Mabalik tayo sa isyu. Mahirap ba? Hindi naman dapat eh. Pag may elemento ng pag-aari, ng dapat. Example: "Si Kris ang kahihiyan ng mga Aquino." "Ang kapal ng mukha ni Mikey Arroyong kumatawan sa mga sikyu at pedicab drivers." "Salot ng lipunan." "Mga anak kayo ng puta!" Sinusundan din nito ang mga salitang "tulad," "gaya," at "lahat."

Ang nang? Ilang bagay lang ang dapat tandaan:

Pag tinutukoy ay panahon o araw, kapalit ng salitang "noon." ("Tanghali nang manumpa si P-Noy sa Quirino Grandstand." "Gabi nang sumugod ang mga jologs sa The Establishment."). Pareho ng "upang" at "para." E.g. ("Kelangan kong magsikap sa trabaho nang yumaman ako tulad ni Willie Revillame." "Maligo at mag-diet ka araw-araw nang hindi ka tumandang malungkot, mataba, pangit, at amoy-pusa." "Kelangang mag-relax ni Noynoy nang hindi maubos ang buhok niya.") Kombinasyon ng "na" at "ang" ("Grabe nang katakawan ang ipinakita niya nung sinadya pa niya yung buffet sa Cagayan." "Sobra nang nakakatakot ang mga labi ni Gretchen Barretto."). Indikasyon ng paraan o sukat. ("Pag nakita ko yang bruhang 'yan, sasampalin ko siya nang bonggang bongga." "Tatadyakan ko siya nang patalikod.") O kaya'y pag may umuulit ("Paliguan mo man siya nang paliguan, hindi pa rin siya gaganda.")


KALALAKIHAN - Lalo na sa news, talamak to-its. "Limang kalalakihan." "Armadong kalalakihan." Bakit, anong problema sa "limang lalaki?" Basta 'wag lang "armadong pagkalalaki." Medyo bastos 'yun - at delikado.

ASPETO - "Salitang siyokoy" ang tawag dito ni Almario, dahil hindi siya Kastila, hindi rin Tagalog. Diyosko, laging ginagamit 'to ng mga komentarista.   Hinding-hindi mo makikita ang salitang "aspeto" sa kahit anong diksyonaryong Tagalog. May "aspecto" sa Español; sa Ingles naman, "aspect." Paano ba nauso ang "aspeto?" Kasi daw, dahil merong "respeto," "obheto," "suheto," sa Kastila, kala ng marami, lusot na ang "aspeto." Isampal man sa mataba mong mukha ang page 62 ng New Vicassan's Dictionary eh wala ka pa ring makikitang "aspeto." Sabi ni Almario, Ang tama: "aspekto." Tandaan! Amen? Amen. 

Ang dami pa niyan - mga salitang banyagang pinilit Tagalugin o kaya'y pinilipit para mag-tunog Kastila. Sa TV Patrol at 24 Oras, suking-suki ang "kinundena" when referring to "condemn." "Kinundena ng mga militanteng grupo ang talumpati ni dating pangulong Arroyo sa kamara." Baka kasi masyadong hardkor yung "tinuligsa" o "batikusin." Lagi kong naririnig si Joaquin Henson na sumisigaw, "Dahil kay Jordan, kumolapso ang depensa ng Utah Jazz!" Ewan ko. Siguro, mas madramang pakinggan. Pero naintindihan ko naman, di ba? 

Ang laki ng problema ko, no?

0 shout-outs: