Friday, September 25
note to self
Wednesday, September 23
de quiros strikes again :)
May araw din kayo By Conrado de Quiros Tutal Buwan ng Wika naman ang Agosto. Baka sakali ’yung paboritong wika ni Balagtas ay makatulong sa pag-unawa n’yo dahil mukhang ’yung paboritong wika ni Shakespeare ay lampas sa IQ n’yo. Kung sa bagay, ang pinakamahirap gisingin ay ’yung nagtutulug-tulugan. Ang pinakamahirap padinggin ay ’yung nagbibingi-bingihan. Ang pinakamahirap paintindihin ay ’yung nagmamaangmaangan. Bueno, mahirap din paintindihin ’yung likas na tanga. Pero bahala na. Sabi mo, Cerge Remonde, alangan naman pakanin ng hotdog ang amo mo. Bakit alangan? Hindi naman vegetarian ’yon. At public service nga ’yon, makakatulong dagdagan ng cholesterol at salitre ang dugong dumadaloy papuntang puso n’ya. Kung meron man s’yang dugo, kung meron man s’yang puso. Bakit alangan? Malamang di ka nagbabasa ng balita, o di lang talaga nagbabasa, kung hindi ay nalaman mo ’yung ginawa ni Barack Obama at Joe Biden nitong nakaraang Mayo. Galing silang White House patungong Virginia nang magtakam sila pareho ng hamburger. Pina detour nila ang motorcade at tumuloy sa unang hamburgerang nakita nila. Ito ang Ray’s Hell Burger, isang maliit at independienteng hamburger joint. Tumungo ang dalawa sa counter at sila mismo ang nag-order, hindi mga aides. Nagbayad sila ng cash na galing sa sariling bulsa at kagaya ng ibang customers ay pumila para sa turno nila. Ito ay presidente at bise presidente ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo. Kung sa bagay, ’yung amo n’yo ay hindi naman talaga presidente. Di lang makita ang pagkakaiba ni Garci kay God kaya nasabing “God put me here.” Pekeng presidente, pekeng asal presidente. Sabi mo, Anthony Golez, maliit lang ang P1 million dinner kumpara sa bilyon-bilyong pisong dinala ng amo mo sa bansa. Ay kayo lang naman ang nagsasabing may inambag ang amo n’yo na bilyong-bilyong piso sa kaban ng bayan. Ni anino noon wala kaming nakita. Ang nakita lang namin ay yung bilyon-bilyong piso—o borjer, ayon nga sa inyong dating kakosa na si Benjamin Abalos—na inaswang ng amo n’yo sa kaban ng bayan. Executive privilege daw ang hindi n’ya sagutin ito. Kailan pa naging pribilehiyo ng isang opisyal ang di managot sa taumbayan? Kailan pa naging pribilehiyo ng isang opisyal ang magnakaw? Maliit lang pala ang P1 million, ay bakit hindi n’yo na lang ibigay sa nagugutom? O doon sa mga sundalo sa Mindanao? Tama si Archbishop Oscar Cruz. Isipin n’yo kung gaano karaming botas man lang ang mabibili ng P1 million at karagdagang P750,000 na nilamon ng amo n’yo at mga taga bitbit ng kanyang maleta sa isa pang restawran sa New York. Maliit lang pala ang P1 million (at P750,000), bakit hindi n’yo na lang ibigay doon sa pamilya ng mga sundalong namatay sa Mindanao? Magkano ’yung gusto n’yong ibigay sa bawat isa? P20,000? Sa halagang iyan 50 sundalo na ang maaabuluyan n’yo sa $20,000. Pasalu-saludo pa ’yang amo n’yo sa mga namatay na kala mo ay talagang may malasakit. Bumenta na ’yang dramang ’yan. At pasabi-sabi pa ng “Annihilate the Abus!” Di ba noon pa n’ya ’yan pinangako? Mahilig lang talagang mangako ’yang amo n’yo. Bukod pa d’yan, saan ba nanggaling ’yung limpak-limpak na salapi ng mga kongresista na pinansisindi nila ng tabako? Di ba sa amin din? Tanong n’yo muna kung ayos lang na i-blowout namin ng wine at caviar ang amo n’yo habang kami ay nagdidildil ng asin—’yung magaspang na klase ha, ’di yung iodized. Ang tindi n’yo, mga p’re. At ikaw naman, Romulo Macalintal, tapang ng apog mo. Maiisip mo tuloy na sundin na lang ang mungkahi ni Dick the Butcher sa “Henry VI” ni Shakespeare: “First thing we do, let’s kill all the lawyers.” Pa ethics-ethics ka pa, pasalamat ka di nasunog ang bibig mo sa pagbigkas ng katagang ’yon. Marami mang sugapa rin sa aming mga taga media, di naman kasing sugapa n’yo. At di naman kami sineswelduhan ng taumbayan. Wala naman kaming problemang sumakay sa PAL at kailangan pang bumili ng P1.2 billion jet. Anong sabi n’yo, kailangan ng amo n’yo sa pabyahe-byahe? E sino naman ang may sabing magbabyahe s’ya? Ngayon pang paalis na s’ya—malinaw na ayaw n’yang umalis. Bakit hindi na lang s’ya bumili ng Matchbox na eroplano? Kasya naman s’ya ro’n. Lalo kayong nagpupumiglas, lalo lang kayong lumulubog sa kumunoy. Di n’yo malulusutan ang bulilyasong ginawa n’yo. Para n’yo na ring inagaw ang isinusubong kanin ng isang batang nagugutom. Tama si Obama at Biden: Sa panahon ng recession, kung saan nakalugmok ang mga Amerikano sa hirap, dapat makiramay ang mga pinuno sa taumbayan, di nagpapakapariwara. Sa panahon ng kagutuman, na matagal nang kalagayan ng Pinoy, at lalo pang tumindi sa paghagupit ng Typhoon Gloria, dapat siguro uminom na lang kayo ng insecticide. Gawin n’yo ’yan at mapapawi kaagad ang kagutuman ng bayan. Sa bandang huli, buti na rin lang at ginawa n’yo ’yung magpasasa sa P1 million dinner habang lupaypay ang bayan sa kagutuman—di lang sa kawalan ng pagkain kundi sa iba pang bagay—at pagdadalamhati sa yumaong Ina ng Bayan. Binigyan n’yo ng mukha ang katakawan. Katakawang walang kabusugan. Mukhang di nakita ng masa sa usaping NBN, mukhang di nakikita ng masa sa usaping SAL. Mukhang nakita lang ng masa dito sa ginawa n’yong ito. Sa pagpapabondat sa New York habang naghihinagpis ang bayan. At buti na rin lang mayroon tayong sariling wika. Di sapat ang Inggles para iparamdam sa inyo ang suklam na nararamdaman namin sa inyo. Di sapat ang Inggles para ipakita sa inyo ang pagkamuhi na nararamdaman namin sa inyo. Di maarok ng Inggles ang lalim ng poot na nararamdaman namin sa inyo. Isinusuka na kayo ng taumbayan, mahirap man sumuka ang gutom. May araw din kayo. |
‘May araw din tayo’
By Conrado de Quiros
Philippine Daily Inquirer
First Posted 01:10:00 09/15/2009
Sabi mo, Gary Olivar, magpakalalaki si Noynoy, huwag na nyang punahin ang boss mo. Sabi mo rin, politically mature na tayo, di na dapat ginagamit sa pulitika ang mga salitang “Good vs. Evil” or “Kabutihan laban sa Kasamaan.”
Payong kapatid, p’re, easy ka lang sa salitang “mature.” Di ka gaanong kapanipaniwala pag nagpapasya ka kung ano ang mature at ano ang hindi. Hindi na ko magpapayo na easy ka rin lang sa paghamon sa ibang tao na magpakalalaki, bahala ka lang magnilay-nilay tungkol dyan sa harap ng salamin.
Meron pa bang mas immature kesa sa sagot mo kay Noynoy? Obvious naman na ang pinanggalingan nyan ay ang kulturang macho na nagsasabing ’wag kang papatol, o makikipagaway, sa babae kung tunay kang lalaki. Kung ganun lang ang deskarte n’yo, uminom na lang kayo ng gin hanggang sa machoka. ’Yang machong kulturang ’yan ay matagal nang ibinasura ng taongbayan sa tulong ng women’s groups dahil sa mababang pagtingin sa kababaihan. Kunyari nagtatanggol sa mga babae, sa totoo ay sinisiraan ang mga babae.
Kayo lang naman ang nakakakita ng babae o lalaki sa usaping ito. Lahat naman ng Noypi ay nakikita lang ang tama o mali sa usaping ito. Pero pinag-uusapan din lang natin ang babae at lalaki, masisisi mo ba si Noynoy kung sabihin nyang nakalimutan yata ng dating titser nya ang mga itinuro sa kanya? Dahil meron din syang naging titser na babae, di hamak na mas magaling, at ni minsan ay hindi nakalimutan ang mga itinuro. ’Yan ay si Cory.
At pinaguusapan din lang natin ang lalaki at babae, sino naman ang me sabi sa yo na ang boss mo ay babae? Dahil galit na galit na sinasabi sa ’kin ng mga kaibigan kong babae, “Hindi namin kaano-ano ’yan.”
Tingnan natin kung di sapul ng “Good vs. Evil” ang labanang ito:
Huwag na tayong magpa-cute pa at diretsuhin na lang: Ang boss mo ay sinungaling. Sino ba ang mahilig magpanggap na madasalin, laging nagpaparetrato habang nakaluhod at mataimtim na nananalangin kay—bahala ka nang magsabi kung Kanino. Sino nga ba ang mas sincere sa kanilang dalawa ng aso na ganyan din ang posing? Sino ba ang lumamon ng kung anu-ano sa New York at nagsabing: (1) Di nangyari yon, (2) Nangyari yon pero di ganun ang bill, (3) Ganun ang bill pero si Martin Romualdez naman ang nagbayad, (4) Ayos lang yon dahil marami namang nagpakasasa?
Sino ba ang nagsabing hindi sya tatakbo sa 2004?
Sa kabilang banda, eto si Noynoy na pinalaking maayos ng mga magulang. Nagsabing magdadasal, tapos magdedesisyon. Nagdasal, tapos nagdesisyon. Kung ano’ng sinabi, yon ang ginawa. Paminsan-minsan siguro nangangako sa GF na darating nang maaga pero nale-late. Pero pwede na nating palampasin yon.
Ano’ng tawag mo dyan? Di ba Tama laban sa Mali? Di ba Makatotoo laban sa Peke? Di ba Good vs. Evil?
Ang boss mo ay mandaraya. Sino ba ang paulit-ulit na tumawag kay Garci noong bilangan para makalamang ng 1 million boto kay FPJ, at nakalamang nga ng 1 milyon boto kay FPJ? Sino ba ang gumawa ng batas na nagsasabing walang maaaring magsabi na nandaya sya nang wala niyang pahintulot? Sino ba ang nagtago sa “executive privilege” para hindi managot sa bayan kung sya nga ang mastermind ng NBN?
Sino ba ang me mga anak na di makapagpaliwanag ng mga ari-arian sa San Francisco?
Sa kabilang banda, eto si Noynoy na walang record na nandaya sa Kongreso at Senado. Na may nanay na paulit-ulit na pinangaralan silang magkakapatid sa pagiging matapat. Na nagbigay ng halimbawa sa pag-ingat sa mga kagamitan sa Malakanyang dahil “’yan ay pag-aari ng taongbayan.” Paminsan-minsan siguro, nandadaya rin si Noynoy sa dieta at nage-extra rice. Pero pwede na rin nating palampasin yon.
Ano’ng tawag mo dyan? Di ba Tama laban sa Mali? Di ba Katinuan laban sa Kabuktutan? Di ba Good vs. Evil?
Ang boss mo ay mandarambong. Sino ba ang naturingan ng World Bank na pinaka corrupt na leader sa buong Asya? Sino ba ang nangutang ng higit pa kay Fidel Ramos at Erap combined, pero walang mapakain sa taongbayan, ang ramdam na ramdam lang ni Juan ay gutom? Sino ba ang pabyahe-byahe at tumatrato sa buwis ni Juan bilang pocket money? Sino ang nagkorap sa lahat ng institusyon ng demokrasya, ang Kongreso, ang Korte, ang Comelec, ang Simbahan, ang Sundalo? Sino ang gumawa ng tama sa mali at mali sa tama?
Sa kabilang banda, meron ka bang narinig na nagnakaw si Cory, nagnakaw si Noynoy, nagnakaw ang mga kapatid ni Noynoy? Paminsan-minsan si Kris ay nagnanakaw ng eksena, pero pwede na rin nating palampasin yon. Paminsan-minsan din, si Noynoy ay nagnanakaw ng halik, pero pwedeng-pwede nating palampasin yon.
Ano’ng tawag mo dyan? Di ba Tama laban sa Mali? Di ba Kagandahang Asal laban sa Asal-aso? Di ba Good vs. Evil?
May araw din kayo.
At may araw din kami.
Pinangako ko sa sarili ko na kapag tumugon si Noynoy Aquino sa hamon ng panahon, susulatin ko ang kolum na ito. Tagalog pa rin dahil me mga bagay na masasabi mo lang na swak na swak sa lingwaheng malapit sa puso o bituka mo.
May araw din ang taongbayan.
’Yan ang naisip ko sa Club Filipino noong nakaraang Miyerkoles. Naghalong “Tapos na ang maliligayang araw n’yo,” at “Sa gitna ng kadiliman ay meron ding bukang-liwayway.” Mangiyak-ngiyak ang mga kaibigan ko habang pinakikinggan si Noynoy maghayag na tatakbo siya bilang pangulo ng bansa. Naisip ko: Ganyan nga siguro ang pakiramdam ng mga bilanggong malapit nang palayain. Hindi ko sila masisisi. Ganyan din ang naramdaman ko.
Pagkatapos ng matinding paghihirap, makakaginhawa din. Pagkatapos ng matagal na pagkabilanggo, makalalaya din. Pagkatapos ng walang humpay na kabiguan, magtatagumpay din.
May araw din tayo.